Kung Sakaling Magkaroon ako ng Ilang Minuto at Walang Ginagawa

              

Kung sakaling magkakaroon man ako ng ilang minuto na walang ginagawa
mas pipiliin ko na lamang na humilata 
kaysa sumulat ng dagli o tula

sino ba kasing hindi mananawa
sa mga linyang "isa, dalawa, tatlo.."
o sa mga "naala mo pa ba.."

ayoko na sa mga istoryang
nagmahal, nasaktan, nagparebound
sawa na ako sa romansa

gusto ko yung konektado sa siyensya
yung tipong maisisingit ko lahat ng elemento 
mula Hydrogen hanggang Oganesson 
sayang naman kasi ang pagkabisa kung bago pa ako makapagtapos limot ko na

gusto ko rin yung may matematika
yung may tamang bilang at pagsukat
kung ilang kilometro meron sa limang milya
kung ano ang elebasyon ng bundok na ngayon ay buhangin sa manila
ilang lagok meron sa isang litro ng RC cola
at kung saan napunta ang 15 bilyong biglang nawala

tagahanga rin ako ng komedya 
uulit ulitin hanggang sa hindi na nakakatawa
madalas may part 1 at part 2 pa
may GCQ, MECQ na ngayo'y NCR Bubble na

gusto ko rin nang may tungkol sa kasaysayan
hindi ko trip alamin kung ilan naging babae ni Rizal
siguro kung ilan na lamang ang nasawi
at sinabing nanlaban

nais ko rin sumulat patungkol sa buhay at pangarap
sa noo'y tinukoy na huwag kang sumama sa kanila wala kang mapapala
ay sila pang masaya sa kanilang ginagawa
sa dismayado kung anong wala nila ngayon
at sa positibo kung paano sila magkakaroon
sa lumalaban para mabuhay
at naghahanap buhay para lumaban.

kaya ayokong tumutula
hindi ko alam kung keso o umay na ang tugma

mabuti na lamang
at mas pipiliin kong magpahinga tumunganga.
hindi ko sasayangin ang ilang minuto ko
sa pagsulat ng tula.


"Kung sakaling magkakaroon man ako ng ilang minuto na walang ginagawa."


Comments

Popular posts from this blog

This is Where Our Journey Begins

Doing the Work but Not Getting Payed or Any Credit

Sa Babaeng Itinakda ng Diyos Para sa Akin