Ako si Doggy



Ako si doggy

halos ilang linggo na rin akong nananatili sa maliit kong barong barong

ang sabi ng aking amo,
para rin daw ito sa ikabubuti ko
mayroon daw kasing kalaban na makikita lamang sa pagitan ng lense ng mikroskopyo

sa madaling salita isuko ko nalang daw muna
ang pag gala ko sa kalsada
kapalit ng aking paghinga na walang halong pangamba.

pero
sa kabilang banda,

parang
kasalanan ko rin naman simula't umpisa palang.

sa buong pangyayari ay wala akong ideya
kung saan nagsimula o kung papaano dito napunta.

basta't ang pagkakaalam ko
sa kahit saang lugar ko man ibaling ang aking mga mata,
hindi na normal ang aking nakikita.

kaya sumunod ako.

ika nga ng aking amo
mayroon naman daw syang plano
sagot na raw nya ang mga pangangailangan ko

kaso,
hanggang kailan magtatagal ang mga ito
maaring hindi kulang subalit hindi rin magiging sapat

buti pa sila pareng blacky sa kabilang bakuran
kumpleto parin ang nakahain sa hapag kainan.

gustuhin ko mang lumabas
upang sa gutom ay hindi mamatay
ayoko namang umuwi
nang may taning ang aking buhay.

sinubukan ko ang koneksiyon ko sa aking amo
marahil tanging kahol at alulong ang bumakbibig ko

nagulat ako't tsinelas ang lumapat sa aking nguso mapatahimik lang ako

patunay na hindi nya nakuha ang mensaheng gusto ko.

naglalaway na ako,
sinabihan nya akong asong ulol

uhaw nakong matapos ang epidemya sa mundo
hindi ko na kailangang ilabas ang pangil ko

magtitiwala ako,
masundan man ito ng marami pang linggo.
alam kong matatapos din ito.

Comments

Popular posts from this blog

This is Where Our Journey Begins

Doing the Work but Not Getting Payed or Any Credit

Sa Babaeng Itinakda ng Diyos Para sa Akin